Huwebes, Mayo 31, 2012

Bakit masarap at hindi masarap maging bata ???



     Namimiss mo na ba ang mga childhood memories mo? Ako? Dati, hindi. Mas ginusto ko pang magmukhang at maging matanda. Yung susundin ka ng mas nakababata sa’yo, utus-utusan mo, papuntahin sa tindahan at bili nang ganito o nang ganyan, kahit wala ka nang pera. Pagalitan ang nakababata sa’yo, kahit pigil ang tawa. Pero sa isang iglap nagbago ang lahat..


    Ang mga bata, walang ginawa kundi maglaro ng kung ano-ano. Walang tigil. Mula pag gising, hanggang gabi. Ang mga bata walang iniintindi sa pera, kasi walang pera, walang problema, na kay nanay o tatay lahat binibigay. Pag may ginustong isang bagay, papabili ng laruan, kahit di kailangan, kahit mamahalin, sunod ang layaw. Ngayon, di mo alam kung saan ka kukuha ng pera, tanging baon lang ang pag-asa mo. Minsan wala pa.


      Nung mga bata pa tayo, anjan yung diskubre nang diskubre sa mga bagay sa paligid. Tulad nalang ng isara ang ref ng dahan-dahan at tignan kung paano namamatay ang ilaw, at kung malaman mo kung bakit ay paglalaruan na ito at sasabihin sa kasama mo na, “Ay! Walang ilaw oh!” At sasabihin ng kasama mo, “Masisira yan! Wag mo pindutin!” habang ikaw ay magtetengang kawali. Isa pa ang magtalukbong sa kumot at kunyari ay tulog ka na, minsan pa ay maghihilik for better results.


      Andiyan din yung pinangarap kong ako lang ang mabubuhay sa mundo, at wala nang iba, at puro pera ka. Ahhhaayy! (Ako nga lang ang mabubuhay eh. Aanhin ko ang pera?!). Pinangarap ko ring magteleport. Yun bang kung gusto ko pumunta sa isang lugar ay kaya ko. Sabi naman ng isang kaibigan ko, kapag nakakapagteleport ka, macocontrol mo din ang oras. Pero, ngayong may isip na ako, alam kong pangarap lang iyon. Pangarap na gawing katotohanan ang mga bagay na hindi mo mararanasan sa tanang buhay mo. Ang sumakay sa kotse ni batman, maging kasing bilis ni flash, magduyan sa mga sapot ni spiderman, maging kasing tibay ni superman (na kahit masapul ng kotse at hampasin ng paddle ayos pa din ang buhok at damit)


   


--pumapak ng milo
--kunyari dugo ang ketchup
--tinakot ka ng mas nakatatanda sa’yo na ipapahuli ka sa security guard
--magwala kapag pinapatulog pag tanghali
--maglasinglasingan
--(pasintabi sa kumakain habang nagbabasa)kumain ng kulangot
--maglaro sa loob ng kahon
--maniwala kay santa claus, ngaun nalaman kong sila mama pala ang naglalagay
--maglaro sa buhanginan
--paglaruan ang salagubang at salaguinto
--kumanta sa harap ng electric fan
--manuod ng B1 at b2
--akalaing sinusundan ka ng buwan
--takpan ang mata pag nakakakita ng bastos, ngaun~eyes 2x BIGGER
--sumali sa mga parlor games sa mga kids party
--itaob ang tabo sa ulo at hintaying maubos
--gawing ulan ang shower
--pag sa skul, ang sarap ng feeling pag ikaw ang naglilista ng noisy (TIME FOR REVENGE)
--maglagay ng sapin sa likod para di masyadong pawis
--sipsipin ang nectar ng santan
--lumabas ng bahay ng malinis, pumasok ng bahay ng madumi
--maglagay ng tuwalya sa likod sabay sisigaw ng...SUPERMAN!


Pero siyempre nagbabago ang panahon. Ang WEIRD naman kapag ngayon mo gagawin ang mga iyan. Ngayon at matanda ka na, malamang ito ang mga ginagawa mo...


--umalis ng bahay ng walang paalam
--kunyari project yun pala gala
--magipon ng pera at gastusin ito
--magreklamo sa mga utos at iutos ito sa iba
--magfacebook ng hanggang umaga
--magsenti
--manalanging walang pasok o trabaho pero may sweldo dapat
--intindihin ang mga nakababatang kasama at alagaan sila
--nasa iyo ang sisi kapag may ginawang kalokohan ang mga batang kasama mo


     Kung pwede lang na mag time travel at ibalik ang mga panahong wala kang iniintindi, maglaro ng maglaro, at makuha lahat ng laruang gusto (ngayon gadgets na). Kung pwede lang...


    Ang buhay ng isang bata, ay isang panahon ng pagtuklas ng kaalaman, panahon ng imahinasyong siyang tutupad sa lahat ng kagustuhan, panahon ng walang malisya, at panahon ng pagiging masaya. Hindi mo alam kung hanggang saan at kailan. Pero kung habang buhay kang magpapakabata, walang mangyayari sa'yo. Hindi ka mabubuhay sa imahinasyon lang. Kailangan ay lagi nating iisiping balanse ang mga bagay at hindi palaging nasa ganoon ang kondisyon mo. Wag masanay sa mga bagay na hindi naman kailangan sa buhay mo. Dahil hindi din naman sa lahat ng problema mo matutulungan ka nito.


    Kung ang panahon ay nagbabago, magbago ka na din. Wag na wag kang magmamadali sa panahon, dahil tulad nga nakararami, nagmadali tumanda, andiyan yung maghanap ng bf/gf (Hanap, Usap, Deal), tapos nasaktan, o yan, bata nanaman siya ulit(nagmadali eh) Habang bata, maging masaya ka. Dahil pag tanda mo, 'di mo na maibabalik ang mga panahong iyon.

1 komento:

  1. terima kasih informasi nya semoga berkah semangat
    https://batubatajepara.com

    TumugonBurahin